
CAUAYAN CITY – Sang-ayon si Labor Secretary Silvestre Bello III sa panukala na huwag bigyan ng bonus ang mga ayaw magpabakuna kontra COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Kalihim Bello na ang bonus ay boluntaryo na benepisyo at walang batas na nagsasabi na kailangang magbigay ng bonus ang employer.
Kung magbigay aniya ng bonus ang employer sa pribadong sektor ay puwede nilang gawing kondisyon na huwag bigyan ang hindi bakunado.
Gayunman, nilinaw ni kalihim Bello na iba ang 13th month pay dahil obligasyon ito ng mga employer, walang exemption at walang delay.
Kailangang ibigay nila ang 13th month pay ng kanilang empleado, nabakunahan man o hindi bago ang ika-24 ng Disyembre.
Pabor naman si Kalihim Bello sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag kunin ang aplikante kung hindi bakunado.
Sinabi niya na nasa pagpapasya ng employer kung sino ang kanyang kukuning kawani.
Puwedeng gawing requirement sa pagkuha sa isang aplikane ang pagiging bakunado na kontra COVID-19.
Hindi ito maituturing na diskriminasyon dahil hindi pa naman kinuha ang aplikante.
Gayunman, hindi puwedeng tanggalin ang isang empleado kung ayaw magpabakuna.




