--Ads--

CAUAYAN CITY- Tatlong buwan nang matumal ang bentahan ng Liquefied Petroleum Gas o LPG sa lungsod ng Cauayan dahil hindi na tumatanggap ng lumang tangke ang ilang distributor.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lelian Marcaida, tindera ng LPG sinabi niya na isa sa nakikitang dahilan kung bakit bihira na lang ang bumibili ay dahil hirap ang mga konsyumer na papalitan ang kanilang tangke.

Aniya, kung dati nakakapagsuplay pa sila mula sa iba’t-ibang bayan, ngayon ay sampung piraso na lamang ang pinakamataas na kanilang nabebenta sa kada araw dahil karamihan aniya sa mga konsyumer ay puro luma na ang tangke.

Marami pa rin aniya ang nakikipagpalit ng tangke at handang magbayad ng tatlong daang piso ngunit hindi na nila binebentahan kaya mas lalo nilang  naramdaman ang tumal ng bentahan.

--Ads--

Minabuti na lamang umano ng ilang konsyumer na pansamantalang gumamit ng uling sa pagluluto ngayong hindi nila pwedeng ipalit ang kanilang mga silver at walang tatak na tangke.

Tuloy tuloy naman aniya ang pag-iikot ng Department of Energy dahilan kaya’t wala ng LPG stores ang nagtatangka na tumanggap at magbenta ng ipinagbabawal na tangke.

Mahigpit din umanong tinitingnan ang expiration ng mga tangke bago nila bentahan ang isang konsyumer.