
CAUAYAN CITY – Inamin ni Governor Bonifacio Lacwasan ng Mt. Province na naalarma sila nang i-anunsiyo ng Malakanyang na isailalim ang kanilang lalawigan sa alert level 4.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Lacwasan na nadagdagan ng 114 ang mga kaso ng COVID-19 sa Mt. Province kaya umakyat na sa 440 ang mga aktibong kaso.
Wala pa aniyang report na may kaso na ng Omicron variant sa kanilang lalawigan.
Karamihan sa mga nagpositibo ang mga nursing students na nagsasagawa ng on-the-job training (OJT) sa ilang ospital sa Mt. Province.
Bilang hakbang para mahadlangan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID 19 sa nasabing lalawigan ay nagpatupad sila ng paghihigpit sa mga checkpoint sa border ng Mt. Province.
Ayon kay Gov. Lacwasan, ipinapatupad ang no vaccine no entry policy para hindi makapasok sa lalawigan ang mga hindi pa nabakunahan.
Umabot pa lamang sa 49.85% ang nakakumpleto na ng bakuna sa target population ng Mt. Province.
Tiniyak ni Gov. Lacwasan na may sapat na suplay ng bakuna sa kanilang lalawigan.
May apat na district hospital sa Mt. Province at hindi pa naman punuan ang mga ito ng mga pasyente na may COVID-19.
Wala ring lugar sa naturang lalawigan ang isinailalim sa granular lockdown.










