Agad na naaresto ang isang armadong holdaper matapos ang isang hot pursuit operation, ilang minuto lamang matapos mangholdap ng dalawang biktima sa Barangay Arellano, Quezon, Isabela, bandang 4:20 ng hapon kahapon, Enero 13, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Scarlette Topinio, Information Officer ng Isabela Police Provincial Office, sinabi niya na naganap ang insidente nang bumaba sa kanilang sasakyan ang mga biktimang sina alias Mary, 43-anyos, at alias Jose, isang Pakistani national, upang bumili ng mobile phone load, nang bigla silang lapitan ng suspek na armado ng baril at idineklara ang holdap.
Sapilitang binuksan ng suspek ang sasakyan at tinangay ang bag na naglalaman ng mga alahas, pera, mga pasaporte, at driver’s license ng mga biktima bago tumakas.
Agad namang rumesponde ang pulisya katuwang ang iba’t ibang unit ng pulisya, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na si alias Edmar, 36-anyos, residente ng Tabuk City, Kalinga, dakong 5:15 ng hapon.
Narekober mula sa suspek ang iba’t ibang personal na gamit, alahas, mga pasaporte, at isang itim na Hyundai Accent. Narekober din sa pag-iingat ng suspek ang hinihinalang marijuana at baril na isinailalim na sa laboratory examination.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Quezon Municipal Police Station ang suspek at sasampahan ng kaukulang kaso.











