--Ads--

Nilinaw ng isang psychologist na ang lungkot, pagkabalisa, at emosyonal na pagod na nararanasan bago, habang, at matapos ang holiday season ay kadalasang holiday blues lamang at hindi kaagad maituturing na depression.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dom Agoot, isang psychologist, ang holiday blues ay isang pansamantalang estado ng mental health at hindi permanente. Aniya, normal na makaramdam ng halo-halong emosyon sa panahong ito dahil sa pagod, stress, at pagtaas ng gastusin tuwing ber months, lalo na kung hindi natutugunan ang mataas na expectations sa pagdiriwang.

Ipinaliwanag ni Agoot na nagiging depression lamang ito kapag ang kalungkutan ay tumatagal ng ilang linggo hanggang buwan at sinasabayan ng matinding pakiramdam ng kawalan ng pag-asa, helplessness, at pagkawala ng sigla sa pang-araw-araw na gawain.

Binanggit din niya na kabilang sa mga mas nakararanas ng holiday blues ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs), lalo na ang mga hindi nakauwi at kailangang magtrabaho habang nagsasaya ang kanilang pamilya sa Pilipinas. Ayon kay Agoot, ang matinding pananabik sa pamilya at pakiramdam ng pag-iisa ay maaaring magpalala ng lungkot sa panahong ito.

--Ads--

Malaki rin ang papel ng social media sa pagdanas ng lungkot, dahil sa hindi sinasadyang comparison o inggit kapag nakikita ang masasayang post ng iba. Pinayuhan niya ang publiko na i-manage ang expectations, mag-focus sa koneksyon kaysa perpeksyon, at tandaan na ang isang masamang araw ay hindi nangangahulugang masamang buhay.

Dagdag pa ni Agoot, mahalaga rin ang sapat na tulog, regular na ehersisyo, at ang kakayahang magtakda ng personal boundaries. Hinihikayat din ang pagpapanatili ng ugnayan sa pamilya at kaibigan, at ang pagiging mindful sa mga bagay na dapat ipagpasalamat araw-araw.

Binigyang-diin ng psychologist na bagama’t normal ang makaramdam ng lungkot, mas mainam na humingi ng propesyonal na tulong kung ang mga sintomas ay tumatagal at nakaaapekto na sa normal na pamumuhay.

Bukas 24/7 ang Mental Health Crisis Hotline ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) para sa mga nangangailangan ng agarang tulong.

Para sa globe, pwedeng tumawag sa numerong 0967-125-7906 habang sa smart naman ay maaring kontakin ang numerong 0929-646-2625.