Ipinag-utos ng House Committee on Justice ang pag-isyu ng subpoena laban sa self-confessed bagman ni Vice President Sara Duterte na si Ramil Madriaga at abogado ni Duterte na si Michael Poa, kasabay ng pagsisimula ng pagdinig sa impeachment complaints laban sa bise presidente nitong Miyerkules.
Ayon kay committee chairperson Gerville Luistro, inaasahan nilang marinig ang testimonya ni Madriaga sa susunod na pagdinig sa Abril 14. Nakipag-ugnayan na rin ang komite sa Bureau of Jail Management and Penology at sa hukuman na nag-utos ng detensyon ni Madriaga para sa kanyang pagharap sa komite.
Ipinanukala rin ang protective custody, na tinutulan ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, at tinawag si Madriaga bilang “polluted source.” Samantala, sinabi ng ML party-list Rep. Leila de Lima na “premature” pang pag-usapan ang kredibilidad ni Madriaga. Kalaunan, inaprubahan ng komite ang mosyon na tanggalin ang pahayag ni Rodriguez sa rekord.
Inaprubahan rin ng komite ang mga mosyon para sa pag-isyu ng subpoena kay Atty. Gloria Camora ng Commission on Audit Intelligence and Confidential Funds Audit Office, pati na rin sa mga kinatawan ng Bureau of Internal Revenue at ng archives division ng Kamara.
Tinutulan ni Rodriguez ang mosyon para sa subpoena duces tecum kaugnay sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth ng bise presidente sa ilang taon, na tinawag niyang “fishing expedition.” Ani Rodriguez: “The second one, it is a fishing expedition. It is not– there are no ultimate facts on the SALN of the vice president. So I will vote no. I will object to the second one.”
Gayunpaman, kabilang ito sa mga mosyon na inaprubahan ng komite. Maglalabas din ng subpoena para sa rekord ng National Bureau of Investigation sa kanilang imbestigasyon sa banta ni Duterte laban sa pangulo, First Lady, at dating House Speaker Martin Romualdez; pati na rin sa income tax returns ng bise presidente, kanyang asawa, at mga negosyo na konektado sa kanila. Kasama rin ang mga sertipikasyon mula sa Philippine Statistics Authority ukol sa mga tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Ang hakbang ng komite ay bahagi ng masusing imbestigasyon sa mga alegasyon laban sa bise presidente habang nagpapatuloy ang proseso ng impeachment.










