CAUAYAN CITY- Naghahanda na ang 11 kongresista na magsisilbing prosecutor sa pagsisimula ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa naging Panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cong. Jil Bongalon, Ako Bicol Party-list Representative at miyembro ng prosecution pannel, sinabi niya na nang dahil sa pawang mga abogado ang mga napiling prosecutor ay titiyakin nila na sila ay makakasunod sa rules of the impeachment court at iba pang mga panuntunan na makatutulong sa kanila sa pag-presenta ng documentary at testimonial evidences laban kay VP Sara.
Kumpiyansa naman sila na malakas ang hawak nilang ebidensya laban sa pangalawang pangulo pangunahin na ang ebidensya na nanggaling mismo sa bibig ni VP Sara hinggil sa pagbabanta nito sa buhay ng Pangulong Marcos Jr, FL Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez lalo na at ito ay na-broadcast sa iba’t ibang platforms.
Maliban dito ay malakas din na ebidensya ang pagdinig sa Quad Committee at Committee on Good Governance kung saan natukoy na mayroong Graft and Corruption sa paggamit ng Confidential Funds ng Office of the Vice President.
Dahil dito ay positibo sila na magiging matagumpay ang impeachment trial at makakahikayat sila ng 16 Senador para maconvict si VP Sara.
Dahil sa naka-adjourn na ang senado ay maaaring pagkatapos na lamang ng midterm elections maipagpapatuloy ang proseso ng naturang impeachment case.
Umaasa naman sila na magiging maayos ang impeachment trial at hindi magpaapekto ang senado sa sentimyento ng taumbayan na kumokontra sa impeachment bagkus ay busisiin ng maigi ang mga ipepresentang ebidensya.