CAUAYAN CITY – Nadakip sa Solano, Nueva Vizcaya ang isang houseboy na tumangay ng mahigit kalahating milyong pisong halaga ng alahas sa pinaglingkurang bahay sa barangay Sta. Barbara, City of Ilagan.
Ang suspek ay si Romeo “Omeng” Calibuso, tatlumpot siyam na taong gulang at residente ng Salvacion,Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ang may-ari ng bahay na pinagnakawan ng mga alahas ni Calibuso ay si Harry Dy, apatnaput siyam na taong gulang at residente sa Lungsod ng Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt Ronnie Herania Jr. Investigation officer ng City of Ilagan Police Station na nag-apply si Calibuso sa pamamagitan ng pagpost nila online ng pangangailangan nila ng kasama sa bahay.
Nang wala sa kanilang bahay ang mag-asawang Dy ay tinangay ni Calibuso ang ibat ibang uri ng alahas na mahigit kalahating milyong piso at umalis patungong Nueva Vizcaya.
Hindi kabisado ng mag-asawa ang pangalan ng suspek kaya nagpost ang misis sa kanyang facebook account kasama ang larawan at may tumawag sa kanila at ipinabatid ang totoong pangalan at address ng suspek.
Matapos makatanggap ng impormasyon sa isang concerned ay nagsagawa sila ng follow up operation.
May tumawag din na nakita ang suspek sa bayan ng Solano na nagpapainom at may mga ipinapakitang alahas at ipinagmamalaki na nagtatrabaho siya sa isang bangko.
Nakipag-ugnayan sila sa Solano Police Station at natunton nila kung nasaan ang suspek.
Inamin ni Calibuso ang ginawang pagnanakaw at sinabi gusto lang niya umanong masaya.
Nakakulong ngayon sa City of Ilagan si Calibuso na sasampahan ng kasong qualified theft