--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang mahigpit na pagmomonitor ng Highway Patrol Group o PNP-HPG Isabela sa mga pumapasok sa lalawigan upang mapigilan ang pagpasok ng mas nakakahawang Delta Variant  ng Covid 19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Rey Sales, ang Provincial Officer ng HPG Isabela, sinabi niya na dahil sa ipinalabas na Executive Order ni Gov. Rodito Albano ay patuloy silang naghihigpit sa mga pumapasok sa lalawigan pangunahin na sa mga border checkpoint.

Aniya kanilang tinitingnan kung nakasunod ang mga sasakyan lalo na ang mga pampasahero sa pagsusuot ng facemask at faceshield.

Ngayong double facemask na ang kailangang isuot ng mga mamamayan upang makaiwas sa virus ay mas lalo pa aniyang hihigpitan ng HPG ang kanilang pag apprehend sa mga hindi susunod sa panuntunan.

--Ads--

Aniya responsibilidad na rin ng driver o konduktor ng mga bus at PUVs na matiyak na nakasuot ng double facemask ang kanilang pasahero upang hindi na sila maabala pa sa mga checkpoint.

Dahil bagong labas pa lamang ang panuntunan ay patuloy ang kanilang pagpapakalat ng impormasyon upang malaman ng mga mamamayan pangunahin na ang mga palaging lumalabas ng bahay dahil sa trabaho at sumasakay sa mga pampublikong transportasyon.

Aniya asahan na ang paghihigpit ng PNP sa lahat ng transport stations sa lalawigan upang maipatupad ang nilalaman ng executive order at mapigilan ang pagpasok ng Delta Variant.

Samantala sa mahigpit na pagmonitor ng HPG sa mga checkpoint ay may isang kolorum van na namang nahuli sa lunsod ng Ilagan na may lulan na labing isang pasahero na sobra sa limit na dapat kargahin ng isang van ngayong pandemya na walong pasahero lamang.

Ayon kay Major Sales nairefer na nila ang pagkahuli sa kolorum na van sa LTO.

Ang bahagi ng pahayag ni Major Rey Sales, ang Provincial Officer ng HPG Isabela.