--Ads--

Ipinagpapasalamat ng Highway Patrol Group (HPG) Isabela na walang naitalang carnapping o motornapping incident sa lalawigan ng Isabela sa holiday season.

Matatandaan na nauna nang napaulat na bago pa man ang holiday ay mayroon nang mga narerecover ang hanay ng PNP at HPG na mga nawalang motorsiklo na kamag-anak din ang naturang suspek.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Joe Dorgay Deputy Officer ng HPG Isabela, sinabi niya na naging matagumpay naman ang information drive na kanilang ginawa para paalalahanan ang mga motorista at mga car for rent owners.

Sa buong holiday aniya ay walang naitalang pagtangay ng mga sasakyan, bagay na ipinagppasalamat ng kanilang ahensya.

--Ads--

Bagaman naging mapayapa ang lalawigan ay hindi naman aniya sila nagpapakampante lalo na at ang kaso ng carnapping ay posibleng mangyari kahit anong oras o araw kaya labis pa rin ang kanilang pagpapaalala sa mga motorista.

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na datos ang ahensya kung ilan ang carnapping incident na naitala sa buong taon ng 2025.

Samantala sa darating na Lunes ika-5 ng Enero ay balik na rin sa normal na operasyon ang ahensya at tututok din sila sa pagbabantay sa kakalsadahan upang mahuli ang mga motoristang mayroong warrant of arrest na inilabas ng hukom.