--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinutugis ng mga alagad ng batas ang isang magsasaka matapos nitong mapaslang sa saksak ang kaniyang hipag sa Disulap, San Mariano, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMSgt. Rogelio Ignacio Jr., sinabi niya na pinuntahan umano ng suspek na si Orly (di tunay na pangalan) ang biktima na si Dina (di tunay na pangalan), apatnapung taong gulang, habang naliligo at bigla na lamang pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nagresulta sa kaniyang pagkasawi.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat, pinaratangan umano ng suspek ang biktima na siyang nagsusumbong sa kaniyang asawa na nasa abroad dahilan upang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng kaniyang misis.

Nagbanta pa umano ang suspek na kung hihiwalayan siya ng kaniyang asawa ay papatayin niya ang kapatid nito.

--Ads--

Mariin namang inihayag ng asawa ng biktima na hindi ang kanyang misis ang nagpapaabot ng sumbong sa kaniyang kapatid, kundi ang mga anak mismo ng suspek ang nagpaparating ng pinaggagagawa ng kanilang tatay.