--Ads--

CAUAYAN CITY – Kumikilos na  ang   Royal Courts of Justice sa London para mapawalang bisa ang Non-Disclosure Agreement (NDA) na pinirmahan ng tatlong staff kabilang ang dalawang Filipino nanny na nakaranas umano ng pambubully at verbal abuse mula kay Duchess of Sussex Meghan Markle.

Nagsasagawa na rin ng malalimang pagsisiyasat ang Royal Family may kaugnayan sa umano’y pagpapatalsik at pang-aabuso ni Meghan sa ilang staff ng Buckingham Palace.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni  Atty. Girlie Manalo-Ganato, human rights lawyer sa London at tubong Echague, Isabela na maraming Briton ang naniniwala na ang Royal Family ang biktima at hindi si Meghan.

Sa ngayon ay hindi pa pinapahintulutan ang pagkuha ng pahayag mula sa dalawang Filipino nanny at hindi rin sila pinahihintulutang makalabas ng palasyo upang maiwasan ang media.

--Ads--

Ayon kay Atty. Ganato, nauna nang lumabas ang ulat na ang dahilan ng pag-alis nina Prince Harry at Meghan Markle ay ang kagustuhang magkaroon ng privacy at maranasan na mamuhay nang normal sa labas ng United Kingdom

Aniya, dati nang may alitan sina Meghan at Duchess of Cambridge Kate Middleton na hindi isinasapubliko ng Royal Family para maprotektahan ang kanilang imahe.

Ilan dito ay ang pagpapatalsik umano ni Meghan sa secretary at local staff ng palasyo na kinabibilangan ng dalawang Filipino na nanilbihan ng mahigit 20 taon bilang  nanny nina  Prince William at Prince Harry.

Ayon kay Atty. Ganato, nakausap niya mismo ang isang Filipino na mayordoma sa palasyo at sinabi na hindi maganda ang naging trato ni Meghan sa ilang staff na nagtratrabaho para sa Royal Family na naging ugat ng hindi nila pagkakaunawaan.

Naniniwala si Atty. Ganato na sinisiraan lamang ni Meghan si Queen Elizabeth II at mismong mga magulang ni Meghan ay hindi sang-ayon sa kanyang pagbubunyag.

Maraming video ang magpapatunay na laging kasama sina Prince Harry at Meghan sa mga pagtitipon sa UK at madalas pa siyang katabi ni Queen Elizabeth.

Wala ring katotohanan ang ibinunyag na pagiging racist ng Royal Family dahil maraming mahihirap at illegal immigrant ang natulungan nila sa kasagsagan ng pandemiya.

Kabilang sa mga naitulong ni Queen Elizabeth ang proyektong libreng doktor para sa mga walang kakayahang magpagamot.

Hindi rin aniya kapani-paniwala ang paratang  ni Meghan na wala siyang access sa medical treatment dahil bilang asawa ni Prince Harry ay maaari siyang magpagamot ng hindi kailangang humingi ng pahintulot mula sa reyna.

Ayon kay Atty. Ganato ang  pagbawi ng Royal Family sa security nina Prince Harry at Meghan mula nang lisanin nila ang Buckingham Palace at hindi na pinagsisilbihan ang United Kingdom ay marapat lamang  dahil mula sa mga taxpayer ng UK ang sahod ng mga security personnel.

Ang pahayag ni Atty. Girlie Manalo-Ganato