CAUAYAN CITY- Tinatayang humigit kumulang tatlumpung milyong piso ang halaga ng alahas, gold bar at pera ang natangay ng umano’y Termite Gang sa isang pawn shop sa Brgy. Centro East, Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Saturnino Soriano ang Public Information Officer ng Santiago City Police Office, sinabi niya na pagpasok ng mga empleyado ng mapansin na may butas sa loob ng establisyimento kung saan nagkalat din ang mga kahoy.
Agad na nakipag ugnayan sila sa Pulisya na agad namang tumugon para iproseso ang crime scene dito ay natuklasan ng may-ari na maraming alahas, gold bar at dolyar ang nawala na nagkakahalaga ng humigit kumulang tatlumpung milyong pesos.
Hinala ng Pulisya na gumamit ng ilang pamamaraan ang naturang grupo para sukatin ang eksaktong lokasyon ng pawn shop mula sa drainage canal na siyang nagsilbing access ng grupo papasok sa sanglaan.
Tinatayang dalawa hanggang tatlong araw ang ginawang tunneling kung saan unang binutas ng Termite Gang ang sahig ng lobby hagang sa makapasok sa vault.
Para hindi mamonitor ang kanilang galaw ay gumamit ng itim na pintura ang grupo para tapalan ang mga CCTV camera bago pinutol at tinangay ang CPU ng CCTV.
Marahil aniya ay sinamantala ng grupo ang kawalan ng guwardiya ng pawn shop para maisakatuparan ang pagnanakaw.