CAUAYAN CITY- Pinangunahan ni DAR Sec. Conrado Estrella III ang Regional Mass Distribution of EP/CLOA, Titles and E-Titles and Awarding of the certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) sa humigit kumulang 7,000 na Agrarian Reform Beneficiaries o ARB sa The Capital Arena sa City of Ilagan.
Sa kaniyang talumpati kinilala ni Sec. Estrella III ang sakripisyo at pagod ng mga magsasaka para lamang makapag produce ng pagkain para sa buong bansa.
Aniya, taon o higit sa isang dekada ang iginugol ng mga ARB o Agrarian Reform Beneficiaries na paghihintay at nagtatanim ng walang kasiguruhan sa mga lupaing kanilang sinasaka.
Pinasalamatan din ng kalihim ang World Bank dahil sa pagbibigay ng suporta sa naturang programa katuwang ang DENR o Department of Environment and Natural Resources na naging daan para maisakatuparan ang matagal ng minimithi ng mga ARB.
Binigyang diin din niya na malapit sa puso ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ARB kaya naman gumagawa ng hakbang ang pamahalaan para mapagaan ang gastusin ng mga magsasaka sa kanilang production cost at amortization sa kabila ng mga external challenges kabilang ang giyera, climate change at nagdaang pandemiya.
Ipinasa at agad na pinirmahan ng Pangulo ang isang bagong batas,sa ilalim ng Republic Act 11953 o The New Agrarian Emansipation Act ang batas na nagpapalaya sa mahigit 66,000 magsasaka sa buong bansa mula sa pagkakautang.
Sisikapin din aniya ng ahensya na sa susunod na pagbalik sa Region 2 ay makapagbahagi na ng mga farm inputs gaya ng water pump, tractors, fertilizers maging konstraksyon ng farm to market roads.
Muli ay binigyang diin niya ang hangarin ng administrasyong Marcos na kahit isa sa mga anak ng mga ARB’s ay makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.





