--Ads--

Aabot sa humigi’t-kumulang 80 basyo ng bala ang narekober ng mga awtoridad matapos pagbabarilin ang dalawang lalaki sa Barangay Paltit, Badoc, Ilocos Norte, ayon sa ulat ng pulisya.

Sa panayam, sinabi ni P/Capt. Elison Pasamonte, hepe ng Badoc Municipal Police Station, na caliber .56 at caliber .30 ang mga ginamit na baril sa insidente. Patuloy aniya ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga residente ng lugar upang makakuha ng karagdagang impormasyon kaugnay ng krimen.

Sinabi rin ni Pasamonte na kinukuha at sinusuri na ang mga kuha ng Close Circuit Television (CCTV) sa lugar upang matukoy ang mga responsable sa pamamaril.

Sa ngayon, hindi pa muna isinapubliko ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek at iba pang detalye bilang paggalang na rin sa mga pamilya ng mga biktima.

--Ads--

Batay sa paunang imbestigasyon, hinarang umano ng mga suspek ang sinasakyang sasakyan ng mga biktima bago sila pinaulanan ng bala. Gayunman, wala pang matibay na ebidensyang magpapatunay kung may nauna bang alitan ang mga biktima bago naganap ang insidente.

Narekober din sa loob ng sasakyan ng mga biktima ang isang caliber .56 at dalawang pistol.

Kinilala ang mga biktima na sina Erwin Rondal, residente ng Barangay Napu, Badoc, at James Fernandez, residente ng Barangay Bulbulala, Pinili. Sakay ang mga ito ng isang kotse at patungong hilaga nang bigla silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek na sakay umano ng isang puting Innova at isang itim na pick-up.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Badoc Municipal Police Station upang matukoy ang motibo at pananagutan ng mga salarin.