
CAUAYAN CITY – Hustisya ang hangad ng pamilya ng isang sanggol na sumakit ang tiyan ngunit namatay dahil hindi agad umano inasikaso nang isugod sa isang pribadong ospital sa Cauayan City.
Inilibing na kaninang umaga ang sanggol na mahigit isang buwan lamang.
Ang baby ay isinugod dakong alas tres ng madaling araw noong ika-14 ng Hulyo 2021 ngunit hindi umano agad na inasikaso ang sanggol dahil kailangan munang isailalim sa antigen test na nagkakahalaga ng 1,650 pesos.
Ito ay sa kabila ng pakiusap ng ina ng sanggol na si Gng Lyn Albano na asikasuhin muna tulad ng paglalagay sana ng oxygen dahil hirap sa paghinga ang anak.
Sinabi ng mga staff ng ospital na wala silang magagawa dahil ito ang protocol sa pagamutan.
Dahil dito ay iniwan ng ina sa kanyang panganay na anak ang baby at umalis upang umutang ng pera sa kanyang amo para sa antigen test.
Sinabi naman ng panganay na anak ni Gng. Albano na kahit nakiusap siya sa mga staff na asikasuhin ang kanyang kapatid dahil hirap na sa paghinga ay hindi pa rin nila ginawa kahit sana binigyan muna ng oxygen.
Nang asikasuhin na ay wala nang buhay ang kanyang kapatid.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng Lyn Albano, sinabi niya na nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan nila at pamunuan ng pribadong ospital.
Ikinalungkot umano ng pamunuan ng ospital ang pangyayari at magsagawa ng pagsisiyasat upang mapanagot ang may pagkukulang.
Inamin na bahagi ng protocol ang pagsailalim sa antigen test ngunit kung emergency ay puwede namang hindi ipatupad.
Nangako ng tulong ang pamunuan ng ospital ngunit iginiit ni Gng Albano na hindi pera kundi hustisya ang nais nilang makamit.
Hiling ng pamilya na mabigyan ng pansin ng pamahalaan ang ganitong pangyayari at mapanagot ang mga may pagkukulang para hindi na maulit sa ibang pasyente lalo na ang mga mahihirap.
Samantala, nangako ang pamunuan ng Barangay District 2, Cauayan City na tutulong para makamit ang hustisya sa pagkamatay ng sanggol matapos umanong tanggihang i-admit ng isang pribadong pagamutan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Barangay Kapitan Mico Delmendo ng Barangay District 2 na nagkaharap sa barangay ang pamilya ng sanggol na nasawi at ang Presidente at Medical Director ng Cauayan City Medical Specialist.
Sa ginanap na pulong ay inihayag ng medical director ng pagamutan na magsasagawa sila ng hiwalay na imbestigasyon hinggil sa naturang pangyayari.
Inihayag pa ni Kapitan Delmendo na magkakaroon ng panibagong pulong sa araw ng Lunes at ihaharap sa pamilya Albano ang mga hospital staff at doctor na hindi agad umasikaso sa baby.




