
CAUAYAN CITY – Hustisya ang sigaw ng mga kapamilya ng tatlong magkakaibigan na nasawi matapos salpukin ng isang pick up ang sinasakyan nilang motorsiklo sa national highway sa Payac, Jones, Isabela noong Sabado, November 23, 2019.
Nasawi sa aksidente ang nagmaneho ng Yamaha Mio na si Angel Bulosan at angkas na sina Evangelyn Salvador, kapwa residente ng Santiago City at Ann Claire Camarao, residente ng San Vicente, Jones, Isabela.
3 babae, patay sa banggaan ng pick up at motorsiklo sa Jones, Isabela
Ang nagmaneho ng Izusu Dmax pick up ay ang sundalong si Sonny Boy Matias, 29 anyos at residente ng Magassi, Cabagan, Isabela.
Papunta ang magkakaibigang estudyante sa San Vicente Jones, Isabela para ihatid ni Camarao dakong alas singko ng hapon noong Sabado nang mangyari ang malagim na aksidente.
Sinabi ng mga magulang nina Evangelyn Salvador na kumain pa siya sa kanilang bahay noong tanghali ng Sabado kasama si Camarao.

Nagpaalam si Evangelyn na pupunta sa kanilang eskwelahan at magtutungo rin sila sa Jones, Isabela para ihatid ang kaibigan .
Hindi naman matanggap ng mga magulang ni Angel Bulosan ang nangyari sa kanya lalo pa’t dalawa lang silang magkapatid.
Nagpaalam umano si Angel na pupunta sa paaralan ngunit hindi nagpaalam na pupunta sila sa Jones, Isabela.
Nang tawagan nila ang kanyang cellphone ay nagtaka sila dahil isang pulis ang sumagot at ipinabatid ang kinasangkutan nilang aksidente sa Jones, isabela.
Sa nakalap na impormasyon ng mga kapamilya ni Salvador, nasa shoulder ng daan ang sinasakyan nilang motorsiklo nang bigla silang salpukin ng pick up na nag-overtake umano sa sinusundang sasakyan.
Nakaladkad pa umano ang motorsiklo 50 meters ang layo.
Halos pumailalim sa pick up ang motorsiklo habang tumilapon ang tatlong magkakaibigan at nagtamo sila ng malubhang sugat sa katawan na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Sinabi ng kapatid ni Evangelyn na masakit sa kanila ang nangyari sa kanyang kapatid.
Nagpatindi sa nararamdaman nilang sakit ng kalooban ang sinasabi at pagpuna umano mga netizens taliwas sa tunay na pangyayari.










