CAUAYAN CITY – Hustisya ang hangad ng pamilya ng isang guro na binaril at pinatay kagabi sa harapan ng kanilang bahay sa Isabela La Fortuna Village sa Paddad, Alicia, Isabela.
Labis na nagdadalamhati ang pamilya ng biktimang si Samuel ‘BJ’ Santiago, 37 anyos at residente sa nabanggit na barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Karen Santiago, misis ng guro sinabi niya na lumabas ang kanyang asawa nang may tumawag sa labas ng kanilang bahay.
Paglabas ng bahay ay binaril ang kanyang asawa ng isa dalawang suspek na bumaba mula sa sinakyan nilang motorsiklo.
Pagkatapos ng pamamaril ay agad na umalis ang riding-in-tandem suspect.
Tumakbo naman sa loob ng kanilang bahay ang kanyang asawa at sinabing siya ay binaril kaya agad siyang isinugod sa ospital ngunit binawian ng buhay.
Isang bala ng Caliber 45 ang tumama sa balikat ng guro na tumagos sa kanyang baga at puso na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Labis din ang pagdadalamhati ni Ginang Dina Santiago sa pagbaril at pagpatay sa kanyang anak.
Inilarawan ni Ginang Santiago na mabait at masipag ang kanyang anak at wala silang alam na nakaaway at naagrabyado ng anak.
Patuloy ang imbestigasyon ng Alicia Police Station sa pamamaril kay Samuel Santiago para matukoy ang mga suspek.
Sa kanilang imbestigasyon ay susuriin nila ang kuha ng mga CCTV sa mga lugar na maaaring dinaanan ng dalawang suspek.