
CAUAYAN CITY – Patuloy na sumisigaw ng hustisya ang pamilya at mga mamamayan ng San Mateo, Isabela sa pagbaril-patay kay dating Board member Napoleon Hernandez dalawang taon na ang nakakalipas.
Matatandaang noong July 1, 2019 ay binaril-patay ng riding in tandem ang dating board member sa Dagupan, San Mateo habang lulan ng kanyang sasakyan.
Pauwi na sila noon ng kanyang misis sa kanilang bahay sa San Marcos, San Mateo mula sa pagdalo sa inagurasyon ng mga bagong opisyal ng pamahalaang bayan ng San Mateo.
Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang dibdib si Hernandez at binawian ng buhay sa ospital.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Sangguniang Bayan member Jonathan Galapon na pagkatapos ng pangyayari ay umusad naman ang pagsisiyasat at bago umalis ang dating hepe ng San Mateo Police Station ay naisampa ang kaso laban sa mga pinaghihinalaan.
Gayunman, hanggang sa ngayon ay hindi pa sila nahuhuli kaya ramdam pa rin ang kalungkutan sa mga mamamayan ng San Mateo.
Aniya, hindi nila makakalimutan ang pinaslang na dating board member at newly appointed na administrator ng San Mateo noon kaya patuloy ang kanilang pagdarasal na mahuli na ang mga pumatay sa kanya para maituro na rin ang mga utak sa krimen.
Hindi aniya karapat-dapat ang ginawa sa dating opisyal dahil napakaresponsable niyang opisyal ng pamahalaan at kung hindi sana pinatay ay marami pa ang kanyang matutulungan dahil sa dami na ng kanyang mga napagdaanan.
Kabilang dito ang pagiging SK chairman, SK federation president, board member, kinatawan ng mga magsasaka sa provincial board ng Isabela at Sangguniang Bayan member ng San Mateo.
Kahapon, bilang paggunita sa ikalawang taon ng pagpaslang kay dating Board member Nap Hernandez ay nag-imbita ng salu-salo ang kanyang misis na si SB member Placida Hernandez para gunitain ang mga ala-ala ng kanyang namayapang asawa.
Sa ngayon ay hindi pa naisisilbi ng mga kasapi ng San Mateo Police Station ang mandamiyento de aresto laban sa mga pinaghihinalaan dahil hindi matukoy ang kanilang kinaroroonan.










