CAUAYAN CITY– Ipinaliwanag ng isang Feng Shui Expert ang ibig sabihin ng ‘Hungry Ghost Month’ na ginugunita ngayong buwan ng Agosto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Master Hanz Cua, Feng Shui Expert, sinabi niya na ang Ghost Month ay isang paniniwala at tradisyon ng mga Chinese, Buddhist at Taoism.
Nagsimula ang Ghost Month ngayong taon noong ika-4 ng Agosto at magtatapos sa ikalawang araw ng Setyembre.
Pinaniniwalaan na sa ikapitong buwan ng Chinese Lunar Calendar ay binubuksan umano ang “Hell’s Gate” o ang pinto ng impyerno para makalabas ang mga Hungry Ghost upang maghanap ng dasal, pagkain, Entertainment o mga taong mabibiktma.
Ang pinaka-peak nito ay sa ika-18 ng Agosto kung saan pinaniniwalaan na sa araw na ito ay nakalabas na lahat ng mga Hungry Ghost.
Ang Hungry Ghost ay ang mga kaluluwang ligaw na nakagawa ng mga hindi magaganda noong sila ay nabubuhay pa.
May paniniwala naman na sila ay nagdadala ng malas at problema kaya naman ipagpaliban muna ang mga malalaking kaganapan sa buhay kagaya ng pagpirma ng kontrata at pagbubukas ng negosyo dahil malaki ang posibilidad na hindi maging maganda ang takbo nito.
Iwasan din ang umano ang magpakasal dahil may posibilidad na mauuwi rin ito sa hiwalayan.
Kinakailangan din aniya ng ibayong pag-iingat dahil lapitin ang disgrasya sa mga panahon na ito at dapat panatilihing maliwanag ang bahay para hindi makahikayat ng Hungry Ghost.
Iwasan namang magsuot ng Yin Colors gaya ng itim at puting kulay dahil dito kumakapit ang mga kaluluwa, mas mainam aniya na tangkilikin muna ang mga Yang Colors o ang mga matitingkad na kulay gaya ng pula, neon green at iba pa dahil nagdadala ito ng Yang Energy na nagsisilbing proteksyon sa pagdapo ng mga Hungry Ghost.
Iginiit naman ni Master Hanz na huwag dapat katakutan ang Ghost Month, bagkus ay samantalahin ang pagkakataon na ito para alalahanin ang mga yumaong mahal sa buhay sa pamamagitan ng pag-aalay ng dasal, pagkain at pagsisindi ng insenso para mapunta na sa payapa ang kanilang kaluluwa.