Ipinagmamalaki ng Bayan ng Reina Mercedes ang kauna-unahang hybrid modular cold storage facility matapos pormal na simulan ang pagtatayo nito sa sa Brgy. Napaccu Grande. Ang naturang pasilidad ay itatayo sa likurang bahagi ng Pamilihang Bayan at pinapagana ng solar at wind energy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Robert Salvador, agriculturist ng Reina Mercedes Isabela, sinabi niya na malaking hakbang ang proyekto upang matulungan ang mga lokal na magsasaka sa maayos na pag-iimbak ng kanilang mga ani.
Aniya, simula pa lamang ito ng modernisasyon ng post-harvest facilities sa bayan na makatutulong sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.
Ang proyekto ay bunga ng pagtutulungan ng Department of Agriculture – Regional Field Office II (DA-RFO II) at ng Local Government Unit (LGU) ng Reina Mercedes, na may kabuuang pondong umaabot sa ₱12.87 milyon.
Ayon Kay Salvador, ang modular cold storage ay may maximum capacity na isang tonelada at kayang maglaman ng hanggang 370 crates ng iba’t ibang uri ng gulay o humigit-kumulang 1,000 kilo ng iba pang produktong agrikultural. May kakayahan din itong magpanatili ng temperatura mula 1°C hanggang 10°C upang mapanatiling sariwa at de-kalidad ang mga ani.
Inaasahan na malaki ang maitutulong ng pasilidad sa pagbawas ng post-harvest losses ng mga magsasaka, lalo na tuwing panahon ng masaganang ani. Layunin din nitong mapahaba ang shelf life ng mga produkto bago dalhin sa pamilihan, na magbibigay ng mas malaking kita sa mga lokal na magsasaka.
Bukod dito, inaasahang makalilikha rin ang proyekto ng karagdagang trabaho at magsisilbing mahalagang hakbang tungo sa paggamit ng malinis at renewable energy sa sektor ng agrikultura sa bayan ng Reina Mercedes.





