Nagbabala ang Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF) sa mga pulis na huwag maging kampante at manatiling mapagmatiyag sa tuwing ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Ito ay kasunod ng insidente kung saan isang pulis ang nasawi sa pananaksak.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IACTF Chairman Ysmael Atienza, sinabi niyang patuloy pang iniimbestigahan ang insidente at inaalam ang tunay na motibo ng suspek sa pananaksak sa biktima.
Paalala niya sa PNP, doblehin ang pagiging alerto at mapagmatiyag sa kanilang operasyon at pakikisalamuha sa publiko.
Aniya, walang nakakaalam kung may dalang armas ang isang indibidwal na kanilang makakasalubong, kaya’t mahalagang maging maliksi at handa sa anumang banta.
Dagdag pa niya, may sapat namang training ang mga pulis at kakayahang ipagtanggol ang sarili at ang mamamayan. Gayunpaman, hindi dapat maging kampante, lalo na kung may posibilidad na armado ang kaharap.











