Puspusan na ang paghahanda ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan para sa nalalapit na UNDAS, kabilang ang mga kaukulang ahensya ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City, upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan sa paggunita ng Araw ng mga Patay.
Isa sa mga pangunahing hakbang ng Public Order and Safety Division (POSD) ng lungsod ay ang pagpapatupad ng mga ipagbabawal sa loob ng mga pampubliko at pribadong sementeryo.
Kabilang sa mga ito ang pagbabawal sa pag-inom ng alak, pagsusugal, pagvi-videoke, at paggamit ng malalakas na sound system o speaker. Ipinagbabawal din ang pagdadala ng mga alagang hayop sa loob ng sementeryo upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan.
Maglalagay rin ang POSD ng mga itinakdang parking area sa mga sementeryo upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa paligid ng mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na maging disiplinado at responsable sa pagtatapon ng kanilang basura. Ayon sa kanya, isa sa mga napansing suliranin noong nakaraang Undas ay ang pagkakalat ng basura kahit na may mga nakahandang basurahan sa sementeryo.
Nanawagan siya sa publiko na maiging ligpitin na at ilabas ng mga dumadalaw ang kanilang basura, lalo na sa mga pribadong sementeryo, dahil hindi lahat ng lugar ay naaabot ng mga garbage collector.
Pakiusap pa ng opisyal, na sa mga dadalaw sa kanilang mga namayapa na maging responsible lalo na sa mga iiwanan nilang mga basura.











