--Ads--

Dismayado ang IBON Foundation sa patuloy na paglobo ng utang ng Pamahalaan dahil sa ginawang pagpapababa ng corporate income tax na ipinapataw sa malalaking kumpaniya at mayayamang pamilya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa sinabi niya na kailangan na ngayon resolbahin ang lumolobong utang ng Pamahalaan ng Pilipinas na labis na nakakaapekto na sa kabuhayan ng maraming mga manggagawang Pilipino.

Sa ngayon ay hindi pa nakikitang magiging malaking problema ang hakbang na alisin na ang Philippine Offshore Gaming Operation o POGO para hindi makabayad ng pagkakautang ang Pilipinas.

Aniya sa katunayan ay wala pang 50 hanggang 70 Billion ang kita ng pamahalaan sa POGO.

--Ads--

Ang pinaka mabisang hakbang aniya dito na maaaring gawin ay ang pagtataas ng buwis sa mga mayayaman at malalaking negosyo sa Bansa.

Kung matatandaan pagpasok pa lamang ng Administrasyong Marcos ay lumobo na ang utang ng Pilipinas dahil sa pag utang ng Dalawang bilyong piso kada taon.

Dahil sa patuloy na pag lobo ng utang ng Bansa ay nababawas na ang serbisyo publiko sa pambansang pondo para sa mga nangangailangang Pilipino.

Hindi din aniya napapanahon na muling buhayin ang talakayan sa Maharlika Investment fund na dagdag lamang ito sa mga tatalakayin na hindi rin makakapagbigay solusyon sa utang ng Pilipinas na pumapalo na sa 15.7 trillion pesos.

Malaking bhagi din ng lumalaking utang ng Bansa ang mataas na inflation partikular sa pagkain dahil sa kakulangan ng pondong nailaan sa sektor ng Agrikultura dahil inilalaan ang pondo sa pambayad ng utang sa halip na pasiglahin ang kita ng mga magsasaka para sa mas prodaktibong ani na mag reresulta sa murang pagkain para sa mga konsumer.