CAUAYAN CITY- Nakukulangan ang IBON Foundation sa 35 pesos na pagtaas sa daily minimum wage sa National Capital Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBON Foundation Executive Director Jose Enrique “Sonny” Africa, kanyang sinabi na napakaliit ng inaprubahang taas sahod.
Aniya 1,197 pesos dapat ang arawang sahod nang pangkaraniwang manggagawa sa kalakhang Maynila upang maabot ang mamuhay na disente at maayos.
Marami pa umano ang kailangang habulin ng pamahalaan lalo’t ilang taon na nagtataas ang presyo ng mga bilihin ngunit may mga taon na hindi naman nagtataas ang sahod.
Ayon sa kanila pinaburan ng gobyerno ang mga nagnenegosyo dahilan kaya’t napakaliit ng inaprubahang taas sahod at wala din umanong katotohanan na hindi kaya ng mga negosyante ang mas mataas na umento sa sahod.
Samantala, umaasa naman ang IBON Foundation na mapapakinggan nila sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang malakihang pagtaas sa sahod sa buong bansa.