--Ads--

Naniniwala ang economic think tank na IBON Foundation na ginagamit lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatigil sa mga flood control projects bilang paraan upang ipakita sa publiko na siya ay kontra-korapsyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Executive Director Sonny Africa, sinabi niyang mula pa sa simula ay ang Pangulo na ang nagtatakda ng pambansang budget, kaya’t lumalabas na kontrolado pa rin ng Malacañang ang pondo ng gobyerno.

Ayon kay Africa, makatuwiran naman ang pagtigil sa mga flood control projects na walang pakinabang at nagagamit sa katiwalian. Gayunpaman, binigyang-diin niya ang pangamba kung ang ililipat na pondo ay magagamit sa tama, o baka mapunta lamang sa pork barrel o iba pang anyo ng korapsyon.


Dagdag pa ni Africa, patapos na ang budget hearing sa Kongreso para sa 2026. Kung magkakaroon man ng realignment ng pondo dahil sa pagtanggal ng flood control allocation, dapat itong dumaan sa tamang proseso at masusing deliberasyon.

--Ads--