CAUAYAN CITY – Tutol ang IBON Foundation sa pagbabawas ng mga holiday sa Pilipinas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation sinabi niya na isa ang Pilipinas sa may pinakamalalang ‘work-life balance’ sa buong mundo kung saan ang mga empleyado ay sagad sa pagtatrabaho para lamang sa napakababang sweldo.
Ang nasabing mga holidays lamang ang kanilang sinasamantalang pahinga at paglaan ng oras sa kani-kanilang pamilya.
Nakakaapekto aniya ito sa competitiveness ng mga manggagawa dahil sa overworking lalo na sa mga halos araw-araw na overtime sa trabaho kaya hindi dapat bawasan ang mga holiday sa bansa.
Aniya hindi nila maintindihan ang senador sa nasabing panukala dahil alam naman ng publiko na karamihan sa mga nasa pwesto ay may kaya sa buhay at walang alam sa hirap na dinaranas ng mga simpleng manggagawa.
Huwag sana umanong ipagkait sa mga manggagawa ang kaunting pahinga na kanilang kailangan para mas maging produktibo sa pagbabalik sa pagtatrabaho.
Ibahin na dapat ng mga pulitiko ang kanilang perspektibo na nakatutok lamang sa kita o tubo at pumapabor sa mga dayuhang mamumuhunan kundi sa kapakanan ng mga manggagawang pilipino.
Umaasa ang IBON foundation na mawala na ang pagturing sa mga manggagawa bilang kalakal na pinagkakakitaan ng mga negosyante pangunahin na ng mga dayuhang kompanya kundi ituring silang katuwang sa pagnenegosyo na malaki ang naitutulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.