CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang mabilis na pagsasampa ng Department of Justice (DOJ) ng kasong homicide kay PMSgt. Daniel Florendo Jr. na nakabaril at nakapatay kay retired army Winston Ragos sa Quezon City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBP president Atty. Domingo Egon Cayosa sinabi niya na ang pagsasampa ng kaso kay Florendo ay nararapat at makatarungang proseso ng batas subalit hindi ito nangangahulugan na maaari ng mahusgahan ang pinaghihinalaan dahil dadaan pa siya sa paglilitis upang mabigyan ng pagkakataon na depensahan ang kaniyang sarili.
Nagbabala ang IBP sa mga pulis at sundalo na dapat nilang sundin ang standard operating procedure sa ano mang pagkakaton dahil hindi magiging daan ang pagharap ng buong bansa sa Health emergency upang malabag at mabaliwala ang karapatang pantao.
Aniya dapat lamang na lahat ng magiging paglabag sa panahon ng krisis sa COVID-19 ay managot at malitis ng naaayon sa saligang batas.











