CAUAYAN CITY – Mariing kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang lumalalang karahasan laban sa mga abogado sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBP president Atty. Domingo Cayosa, sinabi niya na ang naganap na pamamaril kay Atty. Ray Moncada sa Dumaguete City ay patunay na patuloy ang karahasan laban sa mga abogado sa bansa.
Ayon kay Atty. Cayosa, hindi dapat itinuturing na kalaban ng taumbayan ang mga abogado dahil tulad ng maraming propesyon ay ginagampanan lamang nila ang kanilang tungkulin sa kanilang mga kliyente.
Aniya, hiniling nila sa Philippine National Police (PNP) ang agarang paglutas sa krimen at matukoy ang utak sa pamamaril kay Atty. Moncada.
Patuloy na ginagamot sa ospital si Atty. Moncada matapos pagbabarilin sa compound ng kaniyang bahay sa Dumaguete City, Negros Oriental noong January 3, 2020.
Sa imbestigasyon ng pulisya, kausap pa umano ni Atty. Moncada ang suspek sa labas nang bigla na lang makarinig ng putok ang mga kasama nito sa loob ng bahay.