Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, binigyang-diin ni Atty. Domingo “Egon” Cayosa, pangulo ng IBP National chapter na ang pahayag ni Atty. Panelo ay posibleng dulot lamang ng mga malikhaing interpretasyon nito.
Hindi aniya tama na gawing basehan ang COVID 19 para ideklara ang Martial Law dahil sa invasion, dapat may puwersa sa ibang bansa na lulusob sa bansa.
Ayon kay Atty. Cayosa, hindi kailangan ang Martial Law para sugpuin ang COVID 19 dahil ito ay health issue, hindi military at political issue.
Maaari aniyang ideklara ang Martial Law kung may lawless violence dahil sa COVID 19 ngunit wala namang nangyayaring ganito bagamat may mga pasaway na lumalabag sa mga guidelines at protocol sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at General Community Quarantine (GCQ) sa ilang lugar sa bansa.
Hindi rin puwedeng basehan ang mga protesta dahil kahit may COVID 19 ay may karapatan pa rin ang mga mamamayan na maghayag ng kanilang saloobin o hinaing kapag hindi nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.






