Pinagtibay ng mga hukom ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber ang desisyon ng Pre-Trial Chamber na manatiling nakapiit si Ex Pres. Rodrigo Duterte.
Ayon sa ICC, ibinasura ng Appeals Chamber ang lahat ng argumento at grounds of appeal na inihain ng mga abogado ni Duterte. Nagkamit ng unanimous vote ang limang miyembro ng Appeals Chamber upang tuluyang tanggihan ang kahilingan ng depensa laban sa naging pasya ng Pre-Trial Chamber.
Sa inilabas na pahayag ng korte, nabigo ang depensa na matukoy ang anumang pagkakamali sa naging desisyon ng Pre-Trial Chamber, na umasa sa pagsusuri ng isang panel of experts para sa pinakahuling ulat hinggil sa kalagayan ng kalusugan ng dating pangulo.
Isinaalang-alang din ng panel of experts ang dalawang medical reports tungkol sa kalusugan ni Duterte na inihanda ng mga medical practitioner na pinili ng kanyang defense team.
Matatandaang mula pa noong Marso 12, 2025 ay nakakulong na sa ICC detention facility sa The Hague si Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa kampanya laban sa iligal na droga mula noong siya ay alkalde ng Davao City hanggang sa maging pangulo ng Pilipinas.











