Inilabas ng International Criminal Court (ICC) ang iskedyul para sa confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Gaganapin ang mga pagdinig sa Pebrero 23, 24, 26, at 27, 2026, tatlong oras lamang bawat araw na may break pagkatapos ng isang oras.
Sa Pebrero 23, magsisimula ang pagbubukas ng hearing at pagbasa ng sakdal laban kay Duterte. Dito rin ihahain ang opening statements ng prosecution at defense, ang panig ng dating pangulo. Kasunod nito, sa Pebrero 27, ilalatag ng magkabilang panig ang kanilang mga argumento.
Ayon sa Philippine Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro, hindi itinuturing na kidnapping ang pagdadala kay Duterte sa ICC dahil nakasaad sa Republic Act 9851 na maaaring ipagpatuloy sa isang international tribunal ang imbestigasyon at pagdinig ng kaso kahit na kasalukuyan itong iniimbestigahan sa bansa. Ito ay nagbibigay-daan sa tribunal na magsagawa ng karampatang legal na proseso nang hindi nagkakaroon ng labis na pagkaantala sa kaso.











