--Ads--

Naglabas ng kautusan ang mga hukom ng International Criminal Court (ICC) na magbigay ng espesyal na medikal na akomodasyon para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kasabay ng pormal na pagtatalaga ng apat na araw na confirmation of charges hearing. Layunin ng desisyon na bawasan ang pisikal na strain sa bawat araw ng pagdinig.

Itinakda ng Pre-Trial Chamber I ang mga pagdinig sa Pebrero 23 (Lunes), Pebrero 24 (Martes), Pebrero 26 (Huwebes), at Pebrero 27 (Biyernes). Nilimitahan ang bawat araw ng pagdinig sa tatlong oras lamang, na may nakatakdang pahinga kada oras.

Ayon sa Chamber, batay sa rekomendasyon ng Detention Centre’s Medical Officer at mga eksperto na sumuri kay Duterte, kinakailangan ang mga espesyal na hakbang upang matiyak ang kanyang partisipasyon sa proseso. Idiniin din ng hukuman na si Duterte ay “fit to take part in pre-trial proceedings.”


Binigyang-diin ng Chamber ang prinsipyo ng fairness at equality of arms, kaya’t mas maraming oras ang inilaan sa panig ng depensa.

--Ads--


Kasabay ng huling sesyon sa Pebrero 27, isasagawa rin ang taunang review of detention ni Duterte. Ayon sa Rule 118(3), kinakailangang magsagawa ng ganitong pagdinig kada taon mula nang unang humarap ang akusado noong Marso 14, 2025.

Sa pagsusuri, bibigyan ng 20 minuto ang Prosecution, 15 minuto ang CLRV, at 20 minuto ang Defence para sa oral submissions. Hindi na kakailanganin ng karagdagang nakasulat na dokumento maliban na lamang kung may bagong ebidensya.


Samantala, sinabi ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na nasa maayos na kalagayan ang kanyang ama nang siya’y bumisita sa ICC detention.

Nagbabala rin ang ICC na maaaring baguhin ang iskedyul kung kinakailangan, at kung matatapos nang mas maaga ang isang presentasyon, agad na susunod panibagong sesyon kahit hindi pa oras nito.