Pormal na kinasuhan ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng ilang bilang ng murder at attempted murder na iniuugnay bilang crimes against humanity.
Saklaw ng mga kaso ang mga pagpatay mula 2013 hanggang 2018—panahong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan ay naging Pangulo ng Pilipinas.
Sa Unang Bilang, iniuugnay kay Duterte ang pagpatay sa 19 na indibidwal, kabilang ang tatlong bata, sa Davao City mula 2013 hanggang 2016 na isinagawa umano ng grupong tinaguriang Davao Death Squad.
Sa Ikalawang Bilang, kinasuhan siya sa pagpatay sa 14 na tinaguriang “high value targets” sa iba’t ibang panig ng bansa mula 2016 hanggang 2017, sa pamamagitan umano ng isang network na kinabibilangan ng mga state actors.
Sa Ikatlong Bilang, iniuugnay naman ang pagpatay sa 43 katao at tangkang pagpatay sa dalawa pa sa isinagawang barangay clearance operations mula 2016 hanggang 2018 na isinagawa umano ng tinatawag na National Network.
Ayon sa prosekusyon, si Duterte ay may indibidwal na pananagutang kriminal bilang isang indirect co-perpetrator alinsunod sa Article 25(3)(a) ng Rome Statute.
Iginiit ng mga prosecutor na siya umano ang nagdisenyo at nagsulong ng mga operasyong kontra-krimen, nangasiwa sa Davao Death Squad, nagbigay ng mga tagubilin kaugnay ng mga pagpatay, naglaan ng armas, nagtalaga ng mahahalagang opisyal, nagbigay ng insentibo, nagtiyak ng impunity, at hayagang nagkondena o nagbigay-katwiran sa mga pagpatay.
Bilang alternatibo, kinasuhan din siya ng pag-uutos, pag-udyok, at/o pagtulong sa pagsasagawa ng mga krimen alinsunod sa Articles 25(3)(b) at 25(3)(c) ng Rome Statute.
Sa kasalukuyan, nakasalalay sa confirmation of charges hearing kung may sapat na batayan upang ituloy ang kaso sa full trial.











