Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga ng isang independent expert upang suriin ang mga risk factor kaugnay ng Rome Statute.
Sa limang pahinang desisyon, sinabi ng Chamber na natapos na ng Panel ang mandato nito sa pamamagitan ng pagsusumite ng ulat.
Ayon pa sa desisyon, maaari nang gamitin ng depensa ang naturang ulat, at wala umanong nakikitang dahilan ang Chamber upang atasan ang Panel na maghanda pa ng karagdagang ulat na lalampas sa itinakdang mandato nito.
Una nang hiniling ng kampo ni Duterte na maghanda ang Panel ng panibagong ulat na nakabatay sa kasalukuyang medical findings kaugnay ng kapasidad ng dating pangulo.
Magugunitang ibinasura na rin ng ICC Pre-Trial Chamber I ang hiling ng dating pangulo para sa interim release, kung saan iginiit na ang patuloy na pagkakakulong niya ay mahalaga alinsunod sa Article 58(1) ng Rome Statute.










