--Ads--

Binatikos ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre si Navotas City Rep. Toby Tiangco matapos nitong sabihin na ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay nagrekomenda ng pagsasampa ng plunder charges laban kay Leyte Rep. at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Ayon kay Acidre, mismong ICI na ang nagkumpirma na wala itong natuklasang pananagutan at hindi ito humiling ng criminal indictment laban kay Romualdez.

Matatandaan na sinabi ni Tiangco na ang mga kinatawan na umano’y sangkot sa iregular na flood control projects ay sumuporta sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte dahil sa takot na managot kung siya ay maging pangulo. Dagdag pa niya, posibleng gamitin ang budget allocations upang makuha ang boto sa impeachment.

Mariing itinanggi ni Acidre ang alegasyon, at sinabing walang suhol o palitan ng pabor na kaugnay sa impeachment complaints.

--Ads--

Gayunpaman, nanindigan si Tiangco sa kanyang naunang pahayag at sinabing ang suporta sa unang impeachment complaint laban kay Duterte ay may kaugnayan sa mga budget insertions.