--Ads--

Iginiit ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na hindi nito inalis sa pananagutan si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyekto sa flood control ng pamahalaan.

Ayon sa inilabas na pahayag ng ICI, tinutulan nito ang interpretasyon ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na nagsasabing wala umanong pananagutan si Romualdez at nilinaw ng Komisyon na ang naturang pahayag ay hindi kumakatawan sa kanilang opisyal na mensahe.

Ipinaliwanag ng ICI na pinaikli at pinili lamang ang bahagi ng referral sa Office of the Ombudsman, kaya nawawala ang buong konteksto ng inilabas na pahayag. Sa referral na ipinadala noong Nobyembre 21, 2025, inirekomenda ng Komisyon na isailalim si Romualdez sa karagdagang imbestigasyon, at binigyang-diin na walang pinal na hatol o konklusyon ng pagkakasala laban sa kanya.

Ayon sa ICI, malinaw sa referral na hindi ito nagtakda ng hatol kung inosente o may kasalanan si Romualdez at ito rin ang dahilan kung bakit inirefer nila ang kaso sa Office of the Ombudsman para sa karagdagang pagsusuri.

--Ads--

Binigyang-diin din ng Komisyon na sila ay isang fact-finding body lamang at walang kapangyarihang magsampa ng kaso alinsunod sa Executive Order No. 94. Lahat ng referral at aksyon ng ICI ay nakabatay sa maingat at detalyadong pagsusuri ng beripikadong impormasyon, testimonya, at dokumentaryong ebidensya na nasa kanilang pag-aaral.