--Ads--

Ipinagpaliban ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang nakatakdang referral laban sa tatlong incumbent at ilang dating senador kaugnay ng maanomalyang flood control projects.

Ayon kay ICI chairman Andres Reyes Jr., naantala ang proseso dahil sa supplemental affidavit ni dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo, na naglalaman ng bagong alegasyon. Tinatayang aabot sa 10 araw ang delay mula noong nakaraang Biyernes habang muling nire-review ng ICI ang mga dokumento.

Sa kanyang bagong affidavit, idinawit ni Bernardo sina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at iba pang opisyal umano’y nakatanggap ng kickback. Inamin din niyang siya ang nagpasikot-sikot ng kickbacks para kina Senators Jinggoy Estrada at Mark Villar, Education Secretary Sonny Angara, dating senators Grace Poe at Nancy Binay, dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy, San Jose del Monte Mayor Rida Robes, at dating DPWH undersecretary Maria Catalina Cabral.

Nauna nang inirekomenda ng ICI ang pagsasampa ng kaso laban kina Estrada at Sen. Joel Villanueva. Kasama rin sa mga una nang sinampahan ng reklamo sina Bernardo, Cajayon-Uy, dating congressman Zaldy Co, at COA Commissioner Mario Lipana.

--Ads--

Noong nakaraang linggo, sinabi ng ICI na magrerekomenda pa sila ng kaso laban sa tatlong incumbent at dating senador dahil sa kontrobersiya.