Patuloy ang pagtutok ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa anomalya sa mga proyektong pang-impraestruktura matapos nitong makipag-ugnayan sa mga inhinyero ng Philippine National Police (PNP) para sa technical verification ng nasa 421 “ghost” flood control projects sa buong bansa.
Sinabi ni ICI Executive Director Brian Keith Hosaka na nagsagawa na sila ng technical at coordination meeting kasama ang mga inhinyero ng PNP bilang paghahanda sa aktwal na field validation.
Layunin ng ICI sa pakikipag-ugnayan sa PNP ay upang talakayin ang mga proseso, teknolohiya, at metodolohiyang gagamitin sa validation ng mga proyekto.
Bukod sa mga PNP engineers, inimbitahan din ng ICI si Engr. Michael Reyes mula sa Council of Engineering Consultants of the Philippines upang magbigay ng ekspertong payo sa beripikasyon ng naturang mga proyekto.
Kasama rin sa pulong ang mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives (Soco), na inanyayahan upang gabayan ang ICI sa maayos na paghawak at dokumentasyon ng ebidensyang makukuha sa field.
Paliwanag ni Hosaka ang tinitingnan dito ay krimen kung kaya’t kailangang tiyakin na ang mga ebidensyang makakalap ay tatanggapin sa korte.
Kaya mahalaga ang papel ng Soco. Matatanddan na noong Oktubre 9, ibinunyag ni Public Works Secretary Vince Dizon na natuklasang “ghost projects” ang 421 sa mahigit 8,000 flood control projects na siniyasat sa buong bansa.
Ang inspeksyong ito ay isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasama ang PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Department of Economy, Planning, and Development (DEPD).
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at beripikasyon upang matukoy kung sino ang mga nasa likod ng mga proyektong hindi umano umiiral ngunit pinondohan ng gobyerno. Inaasahan ding magsisilbi itong babala laban sa katiwalian at maling paggamit ng pondo ng bayan.











