CAUAYAN CITY – Posible nang buksan sa publiko sa mga susunod na buwan ang ICONIC Hotel na matatagpuan sa tabi ng Isabela Convention Center o ICON sa Brgy. San Fermin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panglunsod Member Egay Atienza, Chairman ng Committee on Economic Enterprise and Land Use, sinabi niyang nasa second reading na ang ordinansa na nagtatakda sa magiging bayad ng mga uupa sa hotel.
Aniya mas mura ang singil dito kumpara sa ilang malalaking hotel sa lungsod ng Cauayan, ngunit nilinaw niya na hindi ito magiging ka-kompetensiya ng mga nagnenegosyo.
Solusyon lamang umano ito sa nagiging problema minsan sa lungsod na kakulangan ng matutuluyan para sa mga bisita lalo na kung may mga malalaking pagdiriwang partikular sa ICON.
Hindi na rin maabala ang ibang mga delegado lalo na kung gagawin ang kanilang mga conference sa ICON dahil malapit lamang ito.
Puwede ring magkasya ang maraming bisita sa iisang kuwarto kagaya ng karaniwang makikita sa mga hostel.
Ang ICONIC Hotel ay may apat na palapag at view deck at puwedeng rentahan ng mga stall owners ang unang dalawang palapag at ang ikatlo at ikaapat na palapag naman ay para sa mga kuwarto.
Kailangan umanong maipasa ang ordinansa upang opisyal na itong makapag-operate na inaasahan namang magbibigay ng trabaho sa maraming CauayeƱo.