--Ads--

CAUAYAN CITY – Naglaan ang Ifugao State University Cooperative ng P100,000 pabuya para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa nanloob sa kanilang establisyimento sa Nayon, Lamut, Ifugao.

Matatandaang noong January 30 ngayong taon ay pinasok ng mga kawatan ang kanilang opisina at pwersahang binuksan ang roll up door ng tanggapan at kinuha ang vault sa loob na naglalaman ng perang nagkakahalaga ng P1,900,000 at mga mahahalagang dokumento.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa Lamut Municipal Police Station, dakong alas-dos ng madaling araw nang isagawa ng mga kawatan ang pagnanakaw.

Binuhat nila ang vault ng opisina at isinakay sa isang sasakyan at tumakas.

--Ads--

Napag-alaman na walang guwardiya ang establisyimento nang mangyari ang panloloob at wala ring nakapansin sa mga kalapit na bahay at establisyimento.

Ilang buwan matapos ang pagnanakaw ay hindi pa rin nakikilala ang mga nanloob at hindi pa naibabalik ang kanilang mga tinangay kaya nagpasya ang Ifugao State University Cooperative na maglabas ng pabuya.