CAUAYAN CITY – Dinagdagan ng Ifugao State University ang pabuya sa makakapagbigay impormasyon sa nanloob sa kanilang kooperatiba sa Nayon, Lamut Ifugao.
Matatandaang nitong ikatatlumpu ng Enero ay pinasok ng hindi pa matiyak na bilang ng magnanakaw ang kanilang opisina sa pamamagitan ng pagsira sa roll-up door.
Nakuha ng mga magnanakaw ang vault sa loob ng opisina na naglalaman ng P1.9 milyong halaga ng pera at mga mahahalagang dokumento.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Basilio Hopdayan Jr. Chief of Police ng Lamut Municipal Police Station sinabi niya na alas dos ng madaling araw isinagawa ng dalawang magnanakaw ang pagpasok sa opisina at binuhat ang vault saka isinakay sa sasakyan paalis sa lugar.
Walang guwardiya ang establisimento nang isagawa ng mga kawatan ang panloloob at wala ring nakapansin sa kalapit na bahay at establisimento.
Hanggang ngayon ay walang naging positibong resulta ang pag-iimbestiga sa kaso kaya dinagdagan ng Ifugao State University ang pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan at pagkahuli ng mga suspek.
Mula sa dating P100,000 na pabuya ay muling dinagdagan ito ng unibersidad ng P100,000 para sa kabuuang P200,000 na pabuya sa sinomang may impormasyon sa pagnanakaw.
Tiniyak naman ng pulisya na mapapangalagaan ang pagkakakilanlan ng mga may nalalaman sa pangyayari.