--Ads--

Naipadala na ng tanggapan ni House Secretary General Cheloy Garafil ang ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Office of the Speaker.

Ayon kay Garafil, pormal na naipasa ng kanyang tanggapan ang reklamo kay Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III kagabi, alinsunod sa Konstitusyon at sa House Rules.

Binanggit din niya na ang papel ng tanggapan ng Secretary General sa mga impeachment proceedings ay strictly ministerial, na nakatuon lamang sa pagtanggap, beripikasyon, at pagpapasa ng mga reklamo at kanilang endorsements.

Ang ikatlong reklamo ay inihain ng isang grupo ng mga pari, madre, lider ng civil society groups, at mga abogado noong tanghali ng Lunes, at inendorso ito ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila De Lima.

--Ads--

Ayon sa House Rules, mayroong sampung session days ang Speaker’s Office upang maisama ang reklamo sa Order of Business ng plenaryo, at tatlong araw upang i-refer ito sa House Committee on Justice.