CAUAYAN CITY- Nakiisa ang Lungsod ng Cauayan sa paggunita ng ika-127 Araw ng Kalayaan ngayong ika-12 ng Hunyo, bilang pagkilala sa sakripisyo at paghihirap ng mga bayani na naglaban para sa kalayaan ng bansa.
Ang programa ay dinaluhan ng Veterans of the Philippines – Cauayan Chapter, Cauayan Schools Division Office, Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, Philippine Army, Philippine Air Force, Boy Scout of the Philippines – Cauayan Chapter, Public Order and Safety Division, at mga department head ng iba’t ibang ahensya ng lokal na pamahalaan.
Isa sa nagbigay-pahayag sa naturang programa ay ang Kagawaran ng Edukasyon at Higher Education Institution, na patuloy na nagtuturo sa mga estudyante tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ayon kay Dr. Ricmar Aquino, dating pangulo ng Isabela State University, bagamat 127 taon na ang nakalipas simula nang maging malaya ang Pilipinas, marami pa rin ang hindi lubos na pinahahalagahan ang kalayaan. Aniya, tungkulin ng bawat Pilipino na ipakita ang respeto at pagmamalasakit sa bansa.
Dagdag pa niya, hindi nangangahulugan na dapat kalimutan ang nakaraan dahil malaya na ang Pilipinas. Ang tunay na kahulugan ng kalayaan ay ang pagiging responsable, ang pagsunod ng mga anak sa magulang, ang pagtupad ng mga lider sa kanilang tungkulin, at ang pagbabayad ng tamang buwis ng mga negosyante, pati na rin ang pagbibigay ng sapat na sahod sa mga empleyado.
Binibigyang-diin ni Dr. Aquino ang kahalagahan ng patuloy na paggunita at pagtuturo ng Araw ng Kalayaan sa mga estudyante upang manatili itong bahagi ng kultura ng mga Pilipino.











