ILAGAN CITY – Inilabas na ng Public Order and Safety Managament Office o POSMO ang ilang alternative routes upang maibsan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa paggunita ng Undas.
Hinikayat ng POSMO ang mga mamamayan na kung hindi naman kalayuan ay iwasan ang pagdadala ng mga pribadong sasakyan sa mga pook libingan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Sherwin Balloga, POSMO Head na asahan na ang dami ng mga magtutungo sa mga sementeryo upang dalawin ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay dahil sa pagluluwag na ng mga panuntunan.
Ipapatupad naman ang re-routing upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada papasok at papalabas lunsod.
Kabilang na ang pagbubukas sa mga circumferential roads sa Guinatan, Baculud, Bagumbayan at Ilagan Promnade para sa mga magtutungo sa old Ilagan Public Cemetery.
Ipapatupad din ang one-way entrance system sa mga pook libingan upang masala ang mga papasok sa sementeryo.
Magiging isa rin ang labasan ng mga tao upang maging maayos ang daloy ng trapiko.
Tiniyak ng POSMO na magkakaroon ng sapat na signages na makikita ng mga tao at may mga itatalagang magmamando sa daloy ng trapiko sa naturang mga lugar.
Mayroon ding sapat na mga parking space ng mga sasakyan ng mga magtutungo sa pook libingan.