--Ads--

Hindi madali ang maging haligi ng tahanan dahil kailangang ihanda ang sarili mentally, physically, emotionally at financially.

Ito ang binigyang diin ng tatlong ama na naka-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kasabay ng pagdiriwang kahapon ng Father’s Day.

Sinabi ni Ginoong Jobel Tingle (TING-LE), isang OFW sa Kingdom of Saudi Arabia na madali ang maging ama pero mahirap ang magpakaama.

Aniya, pinakamalaking hamon sa kanya bilang ama ng 1 year old and 6 months ang gumising sa gabi para lamang padedehin ang kanilang anak.

--Ads--

Ayon sa kanya, pareho silang nagtatrabaho ng kanyang asawa kaya naman kailangan nilang magpahinga sa gabi pero para sa kanilang anak ay kailangan din nilang magsakripisyo.

Sa kabila nito ay masaya siya dahil ang kanilang anak ngayon ang nagpapasaya sa kanya kaya kahit pagod sa trabaho ay naglalaan pa rin siya ng oras para rito.

Ang malaking pinaghahandaan niya ngayon ay ang magiging kinabukasan ng kanyang anak para hindi matulad sa kanya na hindi naabot ang pangarap na maging doktor dahil sa problema sa pinansyal.

Payo naman niya sa mga pamilya na may kaanak na OFW na bigyan ng halaga ang perang ipinapadala ng kanilang kaanak na nasa ibang bansa.

Sa pagtatrabaho niya sa Saudi Arabia ay nakita niya ang pagsasakripisyo ng ilang OFW para lamang may maipadala sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Jobel Tingle.

Ayon naman kay Ginoong Marlon Servilla, isang OFW sa Singapore na bilang isang seabased OFW ay napakahirap dahil bihira lamang siyang magkaroon ng komunikasyon sa kanyang pamilya sa Pilipinas.

Kaya naman labis ang pasasalamat niya sa Diyos dahil hindi Niya pinapabayaan ang kanyang pamilya.

Sa ngayon, malayo man sa kanyang pamilya ay nagsisikap siyang pag-aralin ang kanilang mga anak para sa kanilang kinabukasan.

Payo naman niya sa mga kapwa niya OFW na huwag hayaang masira ang pamilya nang dahil lamang sa makamundong bagay.

Payo rin niya sa mga anak na sundin ang kanilang mga magulang dahil para rin ito sa kanilang kapakanan.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Marlon Servilla.

Inihayag naman ni Ginoong Silverio Naparato ng lunsod ng Ilagan na bilang isang ama na dayo lamang sa naturang lunsod ay napakalaking hamon ang pagkakaroon ng pamilya na may pitong anak.

Aniya, mahirap ang magkaroon ng maraming anak pero ang ipinagpapasalamat lamang niya ngayon ay lumaking mababait ang kanilang mga anak at may takot sa Diyos.

Pinakanahirapan aniya sila ng kanyang asawa nang sabay-sabay ng mag-aral sa kolehiyo ang kanilang mga anak.

Mayroon man silang vulcanizing shop pero hindi sapat kaya kailangan pa nilang mangutang at magbenta ng mga bakal sa kanilang bahay para lamang sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

Gayunman ay hindi sila nawalan ng pag-asa at higit sa lahat ay hindi sila nawalan ng pananampalataya sa Panginoon.

Sa ngayon ay nakakatulong na sa kanila ang mga nakapagtapos na nilang anak lalo na ngayon na dalawa pa sa kanilang mga anak ang nag-aaral.

Ayon sa kanya, ang kanilang panganay ay pulis na ngayon, ang pangalawa ay isa ng midwife habang ang pangatlo, pang-apat at panglima ay pare-parehong seaman at ang sunod sa banso ay kumukuha ng medisina habang ang bunso ay Grade-12.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Silverio Naparato