--Ads--

CAUAYAN CITY- Patuloy na nakararanas ng kakulangan sa suplay ng tubig ang ilang residente ng Barangay Tagaran, Cauayan City, dahil sa kawalan ng maayos na sistema ng patubig sa ilang purok.

Sa kasalukuyan, umaasa pa rin ang maraming kabahayan sa mga balon o deep well bilang pangunahing pinagkukunan ng tubig.


Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Benjie Balauag, sinabi niyang nakikipag-ugnayan na sila sa Cauayan City Water District (CCWD) upang malaman kung kailan matatapos ang tangke ng tubig na kasalukuyang ipinapagawa sa lugar.

Matatandaan na nagkaroon ng problema sa water system, dahilan kung bakit patuloy pa ring nagtitiis ang mga residente sa pag-iigib ng tubig.

--Ads--


Inaasahang matatapos ngayong taon ang tangke ng tubig na ipinapagawa ng CCWD, na may halagang ₱15 milyon. Malaking tulong ito para sa libo-libong kabahayan sa lugar.

Ang bagong pasilidad ang magsusuplay ng tubig sa Purok 5 at Purok 6, kung saan may 250 kabahayan ang kasalukuyang nakararanas ng matinding kakulangan sa tubig.


Ayon kay Punong Barangay Balauag, nakatanggap na sila ng assurance mula sa CCWD na tatapusin agad ang proyekto upang matiyak ang suplay ng malinis at sapat na tubig para sa mga residente.