CAUAYAN CITY – Nananatili sa mga evacuation center ang higit 400 na pamilya dahil sa pagbaha sa ilang bayan sa lalawigan ng Apayao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Enrique Gascon Jr., assistant regional Director ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) sa Cordillera Administrative Region (CAR), sinabi niya na 441 na pamilya o 1,617 na tao ang kasalukuyang nasa evacuation centers.
Ang kabuuang bilang ng mga apektadong pamilya sa 64 na barangay sa 7 na bayan ng Apayao na nakaranas ng pagbaha ay 2,402 o 9,337 na indibiduwal.
Ayon pa kay Mr. Gascon, sa bayan ng Kabugao ay may naitala silang 19 na bahay na totally damaged habang 23 ang partially damaged.
Sinabi rin niya na umabot na sa 1.2 million ang halaga ng mga naibigay nilang tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Sa ngayon ay sapat naman aniya ang mga tulong na ibinibigay nila sa mga evacuees.
Ayon pa kay Ginoong Gascon, nagsasagawa na rin sila ng psycho-social intervention sa mga mamamayan na nasa evacuation areas.