
CAUAYAN CAUAYAN CITY – Isinailalim sa orange at yellow category ang ilang barangay sa Isabela kaugnay sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol. Julio Go, provincial director ng Isabela Police Provincial Office na labing isang barangay ang isinailalim sa yellow category sa lalawigan na maituturing na election areas of minor concern habang dalawa naman ang orange category o election areas of immediate concern.
Ayon kay PCol. Go, ang election areas of minor concern ay naging basehan nila ang nakaraang dalawang halalan na nagkaroon ng political rivalry o election related violence incident.
Ang mga naturang barangay aniya ay naitala sa lunsod ng Ilagan, San Pablo at Aurora.
Tiniyak ni PCol. Go na tututukan nila ang mga naturang barangay dahil pwedeng magbago ang sitwasyon sa pagdaan ng mga araw.
Magdadagdag sila ng kanilang tauhan sa naturang mga lugar at umaasa sila na maging mapayapa ang darating na halalan.
Sa ngayon ay wala pa naman silang natatanggap na may pagbabanta sa ilang kandidato.
Panawagan niya sa mga mamamayan sa Isabela na makipagtulungan sa mga otoridad kaugnay sa mga ipinapatupad na panuntunan ngayong election period na para rin sa kaligtasan ng lahat.




