CAUAYAN CITY – Isinailalim ang ilang barangay sa Roxas, Isabela sa Granular Local Zoning Containment (GLZC) para mahadlangan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Una rito ay inaprubahan ng Regional Inter-Agency Task Force (IATF) ang hiling pamahalaang lokal na isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang bayan ng Roxas dahil sa pagtaas ng bilang ng mga tinamaan ng COVID-19.
Isinailalim sa GCQ ang Roxas mula noong March 14, 2021 hanggang March 27, 2021 sa bisa ng inilabas na Executive Order (EO) #2-2021.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Jonathan Jose ‘Totep’ Calderon, sinabi niya na mabilis ang pagtaas ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang bayan at karamihan ay nagmula sa kanilang palengke.
Ayon kay Mayor Calderon, umabot na sa 13 na barangay ang apektado ng virus kaya kailangan ng mas mahigpit na panuntunan upang mahadlangan ang patuloy na pagtaas ng mga nagpopositibo sa kanilang bayan.
Muling nagpaalala si Mayor Calderon sa mga mamamayan sa Roxas na sumunod sa mga minimum health protocols sa pamamagitan ng tama at palaging pagsuot ng face mask at face shield, pag-disinfect ng mga kagamitan, pagsunod sa social distancing, pagpapalakas ng resistensiya at paglabas lamang sa bahay kung kinakailangan.











